COTABATO CITY, Philippines — Nagpahayag ng suporta ang iba’t ibang ahensya ng Bangsamoro government matapos itatag ang bagong Metro Jolo Inter-Agency Council (MJIAC) na magsusulong ng mga programang pangkapayapaan at pangkaunlaran sa tatlong mapayapa at maunlad ng bayan sa Sulu.
Sakop ng bagong organisang MJIAC ang mga magkakatabing mga bayan ng Jolo, Talipao at Indanan na parehong kilala na sa pagiging mapayapa at ngayon mga sentro na ng kalakalan at komersyo sa Sulu.
Kabilang sa mga nangako ng suporta sa MJIAC nitong Martes si Minister Paisalin Tago ng Ministry of Transportation and Communications-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MoTC-BARMM), na may isang ahensya, ang Bangsamoro Land Transportation Franchising and Regulatory Board (BLTFRB), na kasapi ng naturang council na itinatag nito lang nakalipas na linggo.
Miyembro ng MJIAC ang provincial office ng BLTFRB ng MoTC-BARMM na may mga ahensiya rin na namamahala ng airport at seaport sa Jolo, Sulu.
Ang MJIAC, na kabilang sa mga miyembro ang mga municipal police stations sa Talipao, Indanan at Jolo at ang 1103rd Infantry Brigade at iba’t iba pang mga ahensya ng BARMM, ay may tatlong task groups na tututok sa domestic security, public safety and welfare at waste management sa naturang tatlong bayan.