MANILA, Philippines — Walong driver ang nasugatan nang sila ay salpukin ng isang pampasaherong jeep na nag-counter flow sa kahabaan ng Sumulong Highway, Brgy. Dela Paz, Antipolo City, Rizal, kamakalawa.
Ayon kay Lt. Col. Ryan Manonggo, hepe ng pulisya ng lungsod na ang pampasaherong jeep (TXM-619) na minamaneho ni Roy Franco, 45, residente ng Cuesta Verde, Barangay Dalig ay kakasuhan ng reckless imprudence resulting in multiple damage to property with physical injuries.
Sa ulat, binabagtas ng suspek na si Franco ang nasabing highway nang maisipan umano nitong mag-counter flow dahil sa sobrang haba ng trapik.
Kaya’t sa pag-arangkada ng kanyang jeep ay nagkaproblema ang makina nito habang nasa counter flow at nasalpok ang walong sasakyan na ikinasugat ng mga driver.