MANILA, Philippines — Muling nagbabala ang Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) matapos na magkaroon ng phreatic eruption kahapon ng madaling araw ang Mt.Mayon sa Albay na nananatiling nasa estado ng alert level number 1.
Sa inilabas na ulat ng Phivolcs,naganap ang mahinang pagputok dakong alas-12:00 ng madaling araw na tumagal lamang ng isang minuto.
Sa loob ng 24-oras na obserbasyon, isang volcanic earthquake ang naitala habang nagkaroon pa umano ng moderate emission ng plume na 300-metro ang taas at bumagsak sa silangang bahagi ng bundok. Umabot naman sa 598-tonelada bawat araw ang ibinugang asupre ng Mayon na patuloy na inflated o namamaga ang buong katawan. Gamit ang teleskopyo ay makikita ang kaunting banaag sa crater.
Nauna nang ibinabala ni Phivolcs-Legazpi City resident voldanologist Paul Carlson Alanis na kailangang iwasan ng mga residente na pumasok sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone dahil sa malaki ang posibilidad nang pagkakaroon ng steam driven phrearic eruption ngayong tag-ulan lalo na kapag napasukan ng malamig na tubig ang mainit na crater nito. Noong gabi ng Hulyo 18 ay nagkaroon din ng mahinang pagputok ang bulkan.