CAVITE, Philippines — Sabog ang ulo ng isang security guard makaraang barilin ng isang 61-anyos na residente habang naka-duty sa gate ng isang subdivision, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Sahud-ulan, bayan ng Tanza, dito sa lalawigan.
Dead on the spot ang biktima na kinilalang si John April Paul Aquino, 28-anyos, security guard pa tinukoy na agency at residente ng Brgy. Balsahan Timalan, Naic, Cavite.
Tumakas naman ang senior citizen na suspek na kinilala lang sa alyas na “Gregorio”, residente ng Brgy Sahud-ulan ng nasabing bayan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-10 ng gabi kasalukuyang nagbabantay ang biktima sa entrance gate ng Brisas Subdivison nang dumating ang suspek sakay ng Yamaha soul na motorsiklo na walang plaka.
Pagtapat ng suspek sa biktima, agad niyang binaril sa ulo saka mabilis na tumakas.
Tinutugis na ng pulisya ang suspek at inaalam na rin ang motibo sa pamamaslang.