LUCENA CITY, Philippines — Sa pagtatapos ng dalawang linggong pagdiriwang ng Niyogyugan Festival 2024 sa lalawigan ng Quezon nitong Agosto 19, nasungkit ng bayan ng Real ang pagiging overall champion.
Bukod sa malaking tropeo, nakatanggap ang Real, Quezon ng tumataginting na P5 milyong halaga ng proyekto.
Nakuha naman ng bayan ng Tagkawayan ang grand winner sa pinakamagandang Agri-tourism Booths at pinagkalooban sila ng halagang P500,000.
Nakuha ng Padre Burgos ang ikalawang pwesto na may premyong P400,000; bayan ng Real ang pangatlo na may premyong P300, 000 at pang-apat ang bayan ng General Luna na may kaakibat na premyong P200,000.
Samantala, pinagkalooban ng tig-P100,000 bilang Top 6 ang mga bayan ng Lopez, Pagbilao, Mauban, Infanta at General Nakar.
Tinanghal namang Highest Sale Award ang bayan ng Lucban, Best Visual Merchandising ang Padre Burgos, at Best Tour Package Offering ang bayan ng Tagkawayan.
Kasabay ng paggawad sa mga nagwaging kalahok sa Niyogyugan Festival 2024 na pinangunahan ni Governor Dra. Helen Tan ay ipinakilala rin ang mga Quezonian na tumanggap ng Quezon Medalya ng Karangalan - ang pinakamataas na pagkilalang ipinagkakaloob sa mga natatanging anak ng lalawigan.