CAVITE, Philippines — Tatlong tama ng bala ang tumapos sa buhay ng isang mister makaraang pagbabarilin ng dalawang kasuntukan nito, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Puting Kahoy, bayan ng Silang, dito.
Nakatakbo pa sa bahay ng kaibigan nito subalit sa pintuan pa lang ay humandusay na ang biktima na kinilalang si Christian Caringal, nasa hustong gulang at residente ng Brgy. Puting Kahoy, Silang, Cavite.
Naaresto naman ang isa sa dalawang suspek na kinilala lang sa alyas “Doming” habang nakatakas ang kasamang si alyas “Jerome”.
Sa ulat ng pulisya, alas-9:00 ng gabi nang pagtulungan umanong bugbugin ng dalawang suspek ang biktima.
Nagawa pang makapanlaban at makipagpambuno ang biktima subalit dito na siya pinagbabaril ni alyas Jerome.
Kahit duguan, nagawa pang makatakbo ang biktima at nakarating sa bahay ng kanyang kaibigan subalit pagdating nito sa pintuan ay dito na siya bumulagta.
Agad na naitakbo sa pagamutan ang biktima subalit idineklarang dead-on- arrival ng sumuring doctor.