Dating tauhan lumutang…Pamilya Suarez kinasuhan ng ‘planting of evidence’ sa piskalya
MANILA, Philippines — Humarap sa publiko ang isang dating tauhan ng pamilya Suarez upang isiwalat ang umano’y panggigipit, pananakot at pagtatanim ng baril at bala sa bahay ng kanyang ama na si Jaime Aquino sa Pangasinan.
Sinampahan ng umano’y dating empleyado na si Jestin Aquino si dating Quezon Governor Danilo Suarez sa Office of the Provincial Prosecutor sa San Carlos, Pangasinan ng paglabag sa Republic Act No. 9516 (Section 4-a) at Republic Act. 10591(Comprehensive Firearms and Ammunition) sa ilalim ng criminal case na “planting of evidence”.
Si Jestin ay anak ng mamamahayag na si Jaime Aquino na nakabase sa Pangasinan na bumabanat naman sa ilang personalidad na kaibigan umano ng mga Suarez.
Bukod sa dating gobernador, kasama rin sa kaso ang misis nitong si dating Congresswoman Aleta; Cong. Jayjay Suarez, Atty. Alfredo Villamor; mga tauhan umano ng mga Suarez na sina Fiel Vida, Sandy Valenzuela Dy, Jerome “Ngongo” De Villa, Ruperto Mirando IV, Arkie Ortiza Yulde, Emeterio Dongallo Jr. at isang dating opisyal ng PTF.
Sa ginanap na pulong balitaan kahapon, aminado si Jestin na nagpagamit siya sa mga Suarez dahil na rin sa personal na galit umano niya sa kanyang amang si Jaime.
Aniya, nasaksihan niya nang taniman ng granada at baril ang bahay ng kanyang ama sa Pangasinan matapos ang ginawang pagsalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) at nagkibit-balikat lang siya.
Sinabi ni Jestin na napilitan na siyang lumantad nang malaman na “ipapatay” na diumano ng mga Suarez ang kanyang ama. Bagama’t mayroon silang hindi pagkakaunawaan bilang mag-ama, hindi niya umano maatim na may mangyari sa kanyang tatay.
Bunsod nito, nagpasya siyang lumantad at humingi ng tawad sa kanyang ama dahil sa pagsasangkot sa mga pekeng kaso laban sa huli kapalit ng pera. Natatakot na rin umano siya sa kanyang buhay dahil sa mga umali-aligid na saksakyan sa kanyang tahanan.
Dagdag pa ni Jestin, nais lamang niyang itama ang kanyang pagkakamali.
- Latest