P150K vape products samsam ng DTI sa Quezon province

CANDELARIA, Quezon, Philippines — Nakumpiska sa isang operasyon ng Department of Trade and Industry (DTI) Calabarzon-Consumer Protection Division (CPD)-Quezon, ang aabot sa P150, 000 na halaga ng mga vape products sa bayang ito, kamakalawa.

Karamihan sa mga nakumpiskang produkto ay mula sa mga non-compliant store.

Ayon sa DTI team, kabilang sa mga paglabag ng mga tindahan ay ang hindi paglalagay ng wastong label, point-of-sale locations, at hindi pagsunod sa regulasyon ng pagbebenta ng novel tobacco products, non-nicotine, at vaporized nicotine.

Nabatid sa ikinasang enforcement operations na ang mga vape shop ay nagbebenta rin ng mga produktong may cartoon character na nakaaakit sa mga menor-de-edad, na labag sa DAO 22:16, series of 2022 sa ilalim ng Republic Act (RA) 11900 (Vape law).

Bahagi ng operasyon ng DTI na tiyakin na ligtas ang kalusugan ng publiko at masiguro na ang bawat produktong vape na ibi­nebenta ay sumusunod sa batas.

Show comments