Paglalagay ng bagong barangay sa Tupi, South Cotabato, pinaboran

‘Yes’ panalo sa plebisito

MANILA, Philippines — Magkakaroon na ng isang bagong barangay ang munisipalidad ng Tupi sa South Cotabato, matapos na paboran ng mga residente ang isang plebisito hinggil dito, na idinaos ng Commission on Elections (Comelec) kamakalawa.

Batay sa datos na ibinahagi ng Comelec, nabatid na mula sa 2,485 botante, na lumahok sa plebisito, kabuuang 2,393 o 96.30% ang bumoto ng ‘Yes’ o pabor na ratipikahan ang paglikha ng Barangay Juan-Loreto Tamayo habang nasa 89 botante lamang naman o 3.58% ang bumoto ng ‘No’ o tumutol dito.

Sila ay tinanong sa plebisito kung “Sumasang-ayon ka ba sa paglikha ng Barangay Juan-Loreto Tamayo bilang isang hiwalay at malayang barangay na bubuuin ng mga sumusunod na Sitio: (1) Sitio Kitubo at Sitio Lamlatano; Barangay Miasong; (2) Sitio Pato at Sitio Landayaw, Barangay Cebuano at (3) Sitio Alpha, Barangay Linan, Munisipalidad ng Tupi, Lalawigan ng South Cotabato, alinsunod sa Sangguniang Panlalawigan Resolusyon Blg. 158, Serye 2023, na naaprubahan noong ika-27 ng Pebrero 2023?”

Iniulat din ng Comelec na umabot sa 25.45% ang overall voter turnout sa plebisito.

Nabatid na ang mga barangay na lumahok sa plebisito, na kinabibilangan ng Cebuano, Linan, at Miasong, ay may kabuuang 9,765 registered voters.

Mismong si Comelec Chairperson George Erwin Garcia, kasama ang mga senior officials at concerned field officials sa Tupi, ang masusing nagmonitor ng sitwasyon sa plebisito.

Nagpaabot din ang Comelec ng pasasalamat sa lahat ng kanilang partner agencies na tumiyak na magiging maayos, mapayapa at ligtas ang aktibidad, kabilang na rito ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), na may buong suporta ng mga kinauukulang local government unit (LGU).

Show comments