Drug dealer utas, PDEA agent sugatan sa buy-bust

Ang shabu dealer habang patay na sa loob ng sasakyan nang pumalag umano habang inaaresto ng PDeA-BARMM agents sa buy-bust operation sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.
John Unson

COTABATO CITY, Philippines — Patay ang isang hinihinalang shabu dealer habang sugatan ang isang agent ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos na mauwi sa engkuwentro ang ikinasang buy-bust sa Barangay Poblacion II, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur nitong Huwebes.

Sa ulat kahapon ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), bumunot ng baril at nagpaputok si Haider Ali Dimacisil nang mapuna na mga hindi unipormadong anti-narcotics agents ang kanyang nabentahan ng P340,000 na halaga ng shabu kaya nagkapalitan ng putok na nagsanhi sa kanyang kamatayan.

Ang buy-bust operation na nauwi sa engkwentro na nagsanhi ng pagkamatay ni Dimacisil ay naisagawa sa tulong ng local government unit ng Shariff Aguak at ng pulisya.

Ayon kay Castro, ang hindi pinangalanang PDEA-BARMM agent na nasugatan sanhi ng pamamaril ni Dimacisil ay nagpapagaling na sa isang hospital.

Magkatuwang na inaalam na ng PDEA-BARMM, Shariff Aguak LGU at lokal na pulisya kung sinu-sino ang mga kasabwat ni Dimacisil sa pagbebenta ng shabu sa naturang bayan.

Show comments