COTABATO CITY, Philippines — Mahigit 10,000 mga residente ng apat na magkakalapit na mga bayan sa Maguindanao del Norte at Lanao del Sur ang apektado ng flashfloods nitong gabi ng Martes, kasunod nang malakas na ulan.
Sa ulat kahapon ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, tumutulong ang kanilang mga units sa paghanap sa mga batang magkapatid na sina Sheila at Ela Abdulah na tinangay ng rumaragasang baha matapos mawasak nito ang kanilang tahanan sa Barangay Molimok sa Balabagan, Lanao del Sur.
Nagpaabot na ng inisyal na ayudang limang toneladang pagkain sa mga binahang mga residente ng Matanog, Maguindanao del Norte at ng Balabagan, Kapatagan at Malabang sa Lanao del Sur ang mga kawani ng Bangsamoro social welfare ministry, pinamumunuan ni Minister Raissa Jadjurie, nitong Miyerkules.
Pinasalamatan nitong Huwebes ni Jadjurie at Tanggawohn ang mga opisyal at mga tropa ng 1st Marine Brigade ng Philippine Navy at mga kawani ng Office of Civil Defense Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa pag-alalay sa relief operations ng Ministry of Social Services and Development.
Unang umulan ng malakas at paulit sa mga kabundukan sa kapaligiran ng apat na mga bayan ilang oras bago sinalanta ang mga ito baha na sumira ng mahigit 400 nga mga bahay na gawa sa semi-permanent materials.