Tinawon Festival ipinagdiwang sa Ifugao
BANAUE, Ifugao, Philippines — Upang mapanatili ang kasaysayan at kayaman ng kulutra ay ipinagdiwang ng mga katutubong Ifugao ang harvest festival na tinawag na “Tinawon Festival” sa tanyag na Barangay Batad sa bayang ito.
Ayon kay Romeo Heppog, Barangay Chairman, ang selebrasyon ng Tinawon Festival ay bilang pagpupugay sa mga ninuno at mga magsasaka ng tanyag na hagdan-hagdang palayan na nagbuwis ng kanilang lakas at panahon para maitayo ang mga rice terraces at mapanatili hanggang sa kasalukuyan.
“Tinawon rice has a growing period of at least 8 to 10 months including land preparation. It is not economically viable, however, our farmers continue to cultivate the rice terraces as their contribution to preserve the Ifugao culture and heritage,” pahayag ni Heppog.
Ang Tinawon rice ay itinatanim at inaani minsan sa isang taon lamang sa tradisyonal na paraan ng pagsasaka kabilang ang hindi paggamit ng anumang makinarya o equipment kabilang na ang hindi paggamit ng kalabaw at hindi rin nagagamitan ng anumang abono at pestisidyo.
Nakibahagi naman ang lahat ng mga mamamayan mula bata hanggang sa matatanda sa grand botoh (harvest) o pag-aani maging ang mga lokal at international na mga turista.
Sa mensahe ni Roscoe Kalaw, provincial tourism officer ng lalawigan, pinasalamatan niya ang mga residente lalo na ang mga opisyal at may edad sa patuloy nilang pagtuturo sa mga mayaman na kultura at kasaysayan ng Ifugao sa mga bagong henerasyon upang tuluyang hindi mawala o makalimutan.
- Latest