Convenience store pa sa Cavite hinoldap ng 3 armado

Stock image of a gun.
Image by Rudy and Peter Skitterians from Pixabay

CAVITE, Philippines —  Isa na namang convenience store ang hinoldap ng tatlong armadong lalaki at natangay ang ‘di pa malamang halaga, kahapon ng madaling araw sa kahabaan ng Aguinaldo Highway, Barangay Zone 4, Dasmariñas City.

Sa ulat ng pulisya, alas-3:52 ng mada­ling araw nang pasukin ng mga suspek ang isang sangay ng kilalang convenience store sa nasabing lugar at agad nagdeklara ng holdap.

Ayon sa mga staff at crew ng store na sina Rhyan Balmores at Joan Macquian, alas-3:27 ng madaling araw nang pumasok ang unang dalawang suspek at nagpanggap na mga kustomer.

Nag-ikot-ikot pa umano ang mga suspek sa loob ng store at nang may isa pang motorsiklo na dumating sakay ang isang lalaki na agad ding pumasok sa loob ay dito na sila nagdeklara ng hold-up.

Tinutukan ng mga suspek ng baril ang mga biktima saka nilimas ang pera ng kaha bago mabilis na tumakas sakay ng dalawang magkahiwalay na motorsiklo.

Isang Honda click na black/red at Yamaha Mio na kulay itim ang diumano’y gamit ng mga suspek na kanilang get away vehicle.

Show comments