MANILA, Philippines — Tuluyan nang ipinatigil ang inirereklamong quarry operation sa bayan ng Sariaya, Quezon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Mayor Marcelo Gayeta na inuubos na lamang ng apat na pribadong kompanya ang kanilang stock ng buhangin at bato bago tuluyang magsara ang mga ito.
Nilinaw din nito na ang mga truck na dumadayo sa nasabing bayan na may kargang buhangin ay mula umano sa Talisay,Batangas at nagdadala ng buhangin sa ginagawang kalsada sa Maynila.
Samantala, kasalukuyan pa ring nakikipagpulong ang mga ito sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang maging malinaw ang kanilang mga gagawin pang hakbangin.
Noong nakaraang buwan ay nagpatupad ng moratorium si Quezon Governor Dra. Helen Tan sa lahat ng mga quarrying operation sa lalawigan partikular sa bayan ng Sariaya dahil sa mga reklamo at pangamba sa posibleng idulot nito sa panahon ng paparating na La Niña phenomenon.