COTABATO CITY , Philippines — Hindi bababa sa 20,000 na residente ng Basilan ang sumanib nitong Huwebes sa Bangsamoro Party ng Moro National Liberation Front (MNLF) na popular sa polisiya nitong bawal sa mga miyembro ang makipagbangayan sa mga taga- ibang partido bagkus pangalagaan na lang ang mga positibong benepisyo ng Mindanao peace process.
Sa ulat ng mga himpilan ng radyo sa ibat-ibang probinsya ng Bangsamoro region nitong Biyernes, naganap ang naturang pagsanib ng libu-libong mga residente ng Basilan sa Bapa Party sa isang malaking pagtitipon nitong Huwebes sa isang public gymnasium sa poblacion ng Tuburan, isa sa 11 na mga bayan na sakop ng probinsya, na may dalawa pang mga Lungsod, ang Isabela at Lamitan.
Ang Bapa Party ng MNLF ay rehistrado na sa Commission on Elections at naghahanda na para sa kauna-unahang 2025 parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Kabilang sa mga namuno ng aktibidad ng Bapa Party nitong Huwebes sa Tuburan, balwarte ng MNLF mula pa noong dekada ’70, ang presidente ng partido na si Bangsamoro Labor and Employment Minister Muslimin Sema, ang mga kasapi ng BARMM Parliament na sina Romeo Sema, Muslimin Jakilan, Omar Sema, Hatimil Hassan, Adzfar Usman at mga namumuno ng MNLF sa Basilan.
Ayon kay Sema, MoLe-BARMM minister mula 2022 at chairman ng MNLF central committee, bawal sa mga miyembro ng Bapa Party ang makipagbangayan sa mga kasapi ng ibang regional political parties dahil ang isa sa layunin nito ay isulong ang political, religious at cultural solidarity sa mga komunidad ng mga Muslim, mga Kristiyano at mga indigenous non-Moro groups sa Bangsamoro region.