‘Adik’ niratrat habang nagsi-cellphone

Unang isinugod sa Antipolo City District Hospital ang biktimang si Edgardo Mojica ngunit kinailangan din siyang ilipat sa Amang Rodriguez Hospital. Gayunman, idineklara na rin siyang patay ng mga doktor doon dahil sa dalawang tama ng balang tinamo sa katawan.

MANILA, Philippines — Isang lalaking umano’y kilalang “drug addict” sa kanilang lugar ang patay nang pagbabarilin ng ‘di kilalang salarin habang abala sa pagsi-cellphone sa harapan ng kanyang tahanan sa lalawigan ng Rizal kamakalawa ng gabi.

Unang isinugod sa Antipolo City District Hospital ang biktimang si Edgardo Mojica ngunit kinailangan din siyang ilipat sa Amang Rodriguez Hospital. Gayunman, idineklara na rin siyang patay ng mga doktor doon dahil sa dalawang tama ng balang tinamo sa katawan.

Nakatakas naman at tinutugis na ng mga awtoridad ang ‘di pa nakikilalang salarin sa krimen.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police Station, alas- 9:20 ng gabi nang maganap ang pagpatay sa harapan ng tahanan ng biktima sa Antipolo City. Habang abala sa paggamit ng kanyang cellphone ang biktima nang bigla na lang dumating ang salarin at dalawang ulit siyang pinaputukan bago naglalakad lamang na tumakas palayo sa naturang lugar.

Isa sa mga moti­bong tinututukan ng mga awtoridad sa krimen ay ilegal na droga matapos umanong sabihin ng mga kapitbahay ng biktima na kilalang “user” ng illegal drugs ang huli sa kanilang lugar.

Show comments