MANILA, Philippines — Napaslang ng tropa ng militar ang isang pinaghihinalaang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) habang nakasamsam naman ng sari-saring uri ng Improvised Explosive Device (IED) at armas matapos ang engkuwentro sa liblib na bahagi ng Brgy. Butilen, Datu Salibo, Maguindanao del Sur nitong Sabado ng umaga.
Sa report, sinabi ni Lt. Col. Roden Orbon, spokesperson ng 6th Infantry Division (ID) ng Philippine Army, kasalukuyang nagsasagawa ng combat operations ang mga elemento ng Joint Task Force (JTF) Central nang masabat nila ang grupo ng mga teroristang BIFF.
Dito’y agad nagkaroon ng palitan ng putok na tumagal ng mahigit 5-minuto na ikinasawi ng nasabing BIFF member na inabandona ng mga nagsitakas nitong kasamahan.
Narekober ng tropa ng militar sa encounter site ang isang cal. 45 pistol na may limang magazine at isang Nokia Analog cellphone sa encounter site.