MANILA, Philippines — Matapos maaresto ang isang tinaguriang “serial rapist”, isa pang babaeng massage therapist na nabiktima nito sa parehong modus operandi ang lumutang sa pulisya nittong Sabado, Mayo 11, sa Antipolo City, Rizal.
Reklamong “Rape with Robbery” ang ihahain na kaso sa suspek na kinilala sa alyas “Angelo”, na ayon sa salysay sa Women and Children Protection Desk ng Antipolo Component City Police Station ng biktimang si alyas “Charice”, massage therapist, alas-6:00 ng gabi noong Marso 21, 2024 nang mangyari ang insidente.
Nagpanggap umanong kliyente ang suspek nang i-book siya at papuntahin sa Resting Hotel sa Sumulong Highway sa Barangay Mambugan, Antipolo City. Nang nasa Room No. 7 na siya ay nagulat nang may hawak na patalim ang suspek na agad itinutok sa kaniya habang inutusan siyang ‘wag gagalaw at gagawa ng ingay at gawin ang lahat ng gusto ng suspek at wala umanong mangyayari sa kanyang masama”.
Ayon kay Charice, pinaghubad umano siya ng suspek ng damit, piniringan ang kaniyang mga mata at saka ginahasa.
Kasunod nito, iginapos pa ang ang kaniyang mga kamay at paa at binusalan ng damit ang bibig bago kinuha ang kanyang gold plated na hikaw at anklet, 12 PRO 56 Redmi note cellphone, earphone, cash na P900 at ang P6,000 na laman ng G-cash na nai-transfer pa ng suspek. Umabot aniya sa kabuuang P27,900 ang tinangay sa kanya ng suspek.
Nagawang makalas ng biktima ang gapos at humingi ng tulong sa staff ng hotel subalit hindi umano siya pinansin kaya umuwi na lang ng bahay.
Nang mapanood ni Charice ang balita sa telebisyon, nakilala niya ang suspek na siya ring bumiktima sa kaniya akaya nagpasya siyang lumutang sa himpilan ng pulisya.
Nauna rito, naaresto ng Antipolo Police ang suspek sa ginawang follow-up operation sa Punch Inn Hotel, sa Maguey Road, Brgy. San Luis, Antipolo noong Biyernes, Mayo 10 sa pangunguna ni P/Lt, Colonel Ryan Manongdo.
Bukod pa ito sa insidente rin ng panggagahasa at pagnanakaw sa isang freelance massage therapist sa Maynila kamakailan lang, na hindi nakasuhan ng rape at sa halip ay kaso ng iligal na droga at hindi pagsusuuot ng helmet.