TABACO CITY, Albay, Philippines — Kalaboso ang big-time drug pusher na isang construction worker matapos maaresto sa ginawang buy-bust operation sa Brgy. Pawa, Tabaco City, Albay kamakalawa ng gabi.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa comprehensive drugs act of 2002 ang suspek na itinago ng Camp Gen. Simeon Ola sa pangalang “Baldwin”, 32-anyos, residente ng Brgy. San Roque ng naturang lunsod at itinuturing na high value individual.
Sa ulat, ilang araw na minanmanan ng mga pulis ang ilegal na operasyon ni Baldwin hanggang sa magdesisyon ang Regional Drug Enforcement Unit ng PRO-5 katuwang ang Regional Intelligence Division at Tabaco City Police na ilatag ang drug buy-bust operation pasado alas-7 ng gabi kamakalawa.
Hindi na nakatakas pa ang suspek nang mabilis na dakmain ng mga operatiba makaraang i-abot sa poseur buyer ang biniling isang bungkos na plastik na may lamang shabu na nagkakahalaga ng 100-libong piso. Nang kapkapan ay nakunan pa ito ng tatlo pang bungkos ng shabu na tumitimbang lahat ng 425-gramo at nagkakahalaga ng 2.9 milyong piso.
Maliban sa droga ay nabawi sa suspek ang boodle money na ginamit sa buy-bust at ilang drug paraphernalia.