Kagawad, 3 pa utas sa gas poisoning!

Kinilala ni Police Major Frederick Ferrer, hepe ng Bambang Police Station ang mga nasawi na sina Dionisio Alisen, 62,ng Antutot, Kasibu; Jeremias Padilla, 64, ng Sawmill, Mabuslo, Bambang; Selvino Mendoza, 63, ng Banggot, Bambang at Marlon Mateo Orden, 38, Barangay Kagawad at residente ng Barangay Magsaysay Hill sa bayan na nabanggit.
STAR/File

MANILA, Philippines — Nasawi ang apat na katao kabilang ang isang barangay kagawad dahil sa umano’y gas poisoning sa isang tunnel kamakalawa ng umaga sa bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya.

Kinilala ni Police Major Frederick Ferrer, hepe ng Bambang Police Station ang mga nasawi na sina Dionisio Alisen, 62,ng Antutot, Kasibu; Jeremias Padilla, 64, ng Sawmill, Mabuslo, Bambang; Selvino Mendoza, 63, ng Banggot, Bambang at Marlon Mateo Orden, 38, Barangay Kagawad at residente ng Barangay Magsaysay Hill sa bayan na nabanggit.

Nakaligtas naman ang isa pang pumasok sa tunnel para sumaklolo na si Marlon Siopon, 32-anyos.

Sa inisyal na imbestigasyon na unang na-trap sina Alisen, Padilla at Mendoza sa tunnel na may lalim na 10 metro.

Bunso nito, mabilis na sumaklolo si Kagawad Orden sa tatlo subalit maging siya ay hindi na nakalabas ng tunnel.

Dito na sumunod si Siopon na tinalian muna ang sarili ng lubid bago siya bumaba sa hukay subalit nang makarating sa loob ay naramdaman ng biglaang pagkahilo.

Sinabi ni Siopon sa PSN na bago pa man siya mawalan ng malay ay winagwag na niya ang lubid bilang hudyat na kailangan siyang hilain pataas.

Naging maagap naman ang pagsaklolo ng iba pang residente sa lugar kaya nasagip si Siopon.

 “Nang magkamalay ako ay nasa isang bahay na ako, subalit, may nakita ako sa loob ng butas na paa ng tao pero hindi ko na alam kung sino sa kanila dahil sa hindi na rin ako makahinga,” pahayag ni Siopon.

Lumalabas na dahil sa kawalan ng sapat na kagamitan ay agad na humingi ng tulong ang mga kinauukulan sa rescue personnel ng Didipio Mine ng Oceana Gold na nakabase sa Kasibu, Nueva Vizcaya para maiahon ang apat na biktima. 

Dakong alas-3 ng hapon nang umpisahang pasukin ang hukay kung saan nailabas na wala nang buhay ang unang biktima na sinundan ng ikalawang biktima na nailabas naman dakong alas-6:04 ng gabi.

Ang nasabing retrie­val operation ay isinagawa sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pinagsama-samang puwersa mula sa Philippine Red Cross, Provincial Distater Risk Reduction and Management Office (DRRMO), Dept. of Environment and Natural Resources (DENR, Municipal DRRMO, Bambang Police, OceanaGold rescue team, at Bureau of Fire Protection (BFP) sa pangunguna ni Provincial Fire Marshall Pedro Espinosa.

Lumilitaw sa pagsusuri na nasawi ang mga biktima dahil sa methane gas na mula sa loob ng hukay at dahil na rin sa kakulangan ng oxygen.

Show comments