Legal Department ng Iloilo City Hall, pinasok

Inaalam pa ng pulisya kung ilang cellphones, ano-anong mahahalagang bagay at magkano ang halaga ang nakuha ng suspek.
STAR/File

Habang flag ceremony

MANILA, Philippines — Pinasok ng hindi pa kilalang magnanakaw ang opisina ng Legal Department ng Iloilo City hall habang kasagsagan ng flag raising ceremony ang mga empleyado kamakalawa ng umaga.

Ayon kay Atty. Dennis Ventilacion, head ng Iloilo Provincial Legal Office, naganap ang insidente nang magbabaan ang mga em­pleyado upang dumalo sa flag raising ceremony sa ibaba ng kapitolyo.

Kita sa CCTV ca­mera, ang pagpasok ng suspek na pinaniniwalaang isang babae, na nakasuot ng face mask sa nasabing opisina  dakong alas-8 ng umaga at naghalungkat sa mga bag ng empleyado at kinuha ang mga mahahalagang bagay kung saan nagtagal ito doon ng hanggang limang minuto bago mabilis na umalis.

Inaalam pa ng pulisya kung ilang cellphones, ano-anong mahahalagang bagay at magkano ang halaga ang nakuha ng suspek.

Sa ngayon, dalawa sa mga empleyado ang kumpirmadong nabiktima ng nasabing pagnanakaw.

Patuloy ang imbestigasyon ng provincial government ng Iloilo at pulisya upang makilala ang magnanakaw.

Dahil sa dito, inutusan na rin ni Ventilacion si Aaron Raymundo, assistant department head ng General Services Office (GSO) na siyang responsable sa seguridad sa kapitolyo na maghigpit sa kanilang pagpapapsok at pagbabantay sa bisinidad ng gusali upang hindi na maulit ang ganitong pangyayari.

Show comments