Pagdukot sa isang lalaki nakuhanan ng CCTV

MANILA, Philippines — Aktwal na nakuhanan ng isang CCTV footage ang buong pangyayari sa ginawang pagdukot sa isang mister na may kakatagpuin sa isang kakilala nitong Abril 17 ng hapon sa Brgy. Bugtong Na Pulo, Lipa City, Batangas.

Isang linggo pa ang lumipas bago naireport ng pamilya ng biktima ang ginawang pagdukot sa biktimang kinilalang si Nestor Liwanag Jr., nasa hustong gulang, residente ng nasabing lugar.

Sa salaysay ng mga kaanak sa pulisya na Abril 17 nang magpaalam ang biktima na di umano’y may kakatagpuin itong kaibigan gamit ang kaniyang motorsiklo.

Subalit simula ng nasabing araw ay hindi na ito nakabalik pa sa kanyang pamilya.

Tatlong araw matapos dukutin ang biktima ay nakakalap ng kopya ng CCTV ang pamilya ng biktima sa barangay hall ng Brgy. Bugtong Pulo kung saan dito aktwal na nakita ang buong pangyayari sa pagdukot sa biktima.

Nakita sa CCTV, alas-4:40 ng hapon ay nakaupo ang biktima sa kaniyang motor na nakatigil sa gilid ng kalsada na tila may hinihintay.

May dumating na isang van at bumaba ang dalawang  lalaki na isa dito ay nakilala  sa alyas na Ran at kitang-kita ang sapilitang pagkaladkad sa biktima at sapilitang ipinasok sa loob ng van bago mabilis na humarurot patungo ng direksyon ng Malvar, Batangas.

Show comments