P2.7 milyong shabu samsam sa Maguindanao

MANILA, Philippines — Nasamsam ng mga pulis ang may P2.7 milyong halaga ng shabu sa isang dealer sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Limbo sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte nitong hapon ng Lunes.

Sa ulat nitong Martes ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nasa kustodiya na ng Sultan Kudarat Municipal Police Station ang suspect na si Jobert Balleque Paches, na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Drugs Act of 2024.

Ayon kay Tanggawohn, agad na inaresto si Paches matapos magbenta ng 400 gramo ng shabu na nagkakaha­laga ng P2.7 milyon sa mga hindi unipormadong kasapi ng Sultan Kudarat Municipal Police Station na pinamumunuan ni Police Lt. Col. Esmael Madin sa naturang entrapment operation sa isang lugar sa Barangay Limbo.

Ayon kay Madin, tumulong ang ilang residente ng Barangay Limbo sa pagplano ng buy-bust na nagresulta sa pagkakaaresto kay Paches at pagkakum­piska sa kanya ng nasabing halaga ng shabu, cellphone na may mga numero ng kanyang mga contacts at ang kanyang puting minivan may plakang MAT 9729 na ayon sa mga kakilala ay ga­mit niya sa paghahatid ng shabu sa kanyang mga parokyano.

Show comments