Panawagan sa bagong chief PNP:
LAGUNA, Philippines — Nanawagan ang pamilya ng pinaslang na officer-in charge ng barangay na si Mario Cogay sa bagong PNP chief Gen. Rommel Marbil at Calabarzon police director, Brig. Gen Paul Kenneth Lucas na maging top priority nila na resolbahin ang nasabing krimen.
Si Mildred Cogay-Burno, panganay na anak ng OIC-Barangay Canlubang, at kanilang mga suporta ay nagpahayag ng kanilang kawalang-kasiyahan sa mabagal na imbestigasyon na ginagawa ng Calamba City Police.
“Hindi na po kami masyadong umaasa na masosolve ang kaso ng ama naming, napakatagal na po, lalo na ang mga pulis sinasabing ay politika ang dahilan, mga ordinaryong tao lang po kami at wala kaming Kalaban-laban sa kanila. kung sino man ho sila,” ayon sa panganay na anak ni Cogay sa kanyang text message.
Aniya, nais lamang nilang magkaroon ng hustisya para sa kanilang ama at sa lahat ng mga taong biktima ng pulitika at kawalan ng katarungan.
Sinabi niya sa Pilipino Star Ngayon na ang kaso ng kanyang ama ay malamang na hindi na priority ng mga pulis dahil sa sabay-sabay na insidente ng pamamaril na naganap sa lungsod.
“Ganoon yata po ang Kapulisan dito sa Pilipinas, hindi lang yata kami ang nakakaranas. Maraming mga unsolved cases lalo na kung mahirap ang complainant,” dagdag pa ni Mel.
Samantalang, nang interbyuhin ng PSN ang hepe ng Calamba Police Station, sinabi ni Lt. Col. Milany Martirez, na may isang saksi ang lumutang sa himpilan upang magbigay ng mga impormasyon at i-describe ang mukha ng mga salarin sa pamamagitan ng isang cartographic sketch, subalit, hindi 100 porsyento ang saksi sa ginawang paglalarawan sa salarin.
Si Cogay, 63, ng Barangay Canlubang, ay namatay habang patungo sa Global Care Medical Center sa Barangay Canlubang nang siya ay pagbabarilin sa kanyang tirahan ng isang naka-motorsiklong suspek sa Barangay Canlubang, Calamba City, noong Enero.