Ex-pulis, bagong hepe ng LTO – Calabarzon

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Isang retiradong pulis na si Col. Elmer Decena ang itinalagang bagong regional director ng Land Transportation Office (LTO)-Calabarzon kasunod ng “pagsibak” kay dating LTO4A regional director Cupido Gerry Asuncion dahil sa kontrobersyal na isyu ng “extortion” laban sa kanya.

Ang simpleng turnover ceremony ay pinangunahan ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, na ginanap sa Lipa City, Batangas.

Opisyal na inilipat nina outgoing Officer-in-Charge Regional Director, Atty. Zoi Daphne Usita-Angustia, ang mga responsibilidad kay Decena  na itinalaga ng Palasyo ng Malacañang bilang bagong hepe ng LTO-Calabarzon.

Samantala, isa sa apat na sinasabing complainant na si Teddy Lising, CBTSC (Cavite-Batangas Transport Service Cooperative) chairman dahil sa umano’y extortion na inihain sa Office of the President ang nagpahayag ng kanyang kalungkutan sa pagpapalit kay dating LTO4A Asuncion.

Aniya, si Asuncion ay biktima ng smear campaign at political struggle sa loob ng LTO at Malacañang.

Kasabay nito, humingi si Lising ng paumanhin kay Asuncion dahil sa pagiging bahagi ng maling akusas­yon laban sa kanya.

Show comments