LUCENA CITY , Philippines — Kulungan ang binagsakan ng isang babae na lider umano ng drug group na kumikilos sa lalawigan ng Quezon matapos malambat sa anti-drug operation at makumpiskahan ng mahigit sa kalahating milyong pisong halaga ng suspected shabu, kamakalawa ng umaga sa Villa San Pablo, Purok Rainbow, Barangay Ibabang Dupay ng lungsod na ito.
Kinilala ni Quezon Police Provincial Office (QPPO) director Col. Ledon Monte ang nadakip na si Mary Ann Leonora alyas “Mean”, 32-anyos, lider ng “Leonora Drug Group” at kabilang sa High Value Individual (HVI) ng QPPO.
Isinagawa ng mga operatiba ng Quezon Provincial Drug Enforcement Unit (QPDEU) ang buy-bust operation laban sa tinaguriang drug queen dakong alas-4:30 ng umaga.
Aabot sa anim na bulto ng plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang iligal na droga na may bigat na 27 grams at nagkakahalaga ng P550,800 ang nakuha sa pag-iingat ng suspek kabilang na ang P4,000 boodle money at isang genuine P1,000 marked money.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 9165 ang babaeng tinaguriang drug queen.