50-taong madugong ‘rido’ sa Sulu, tinuldukan na
COTABATO CITY, Philippines — Matapos ang 50-taon na “rido” o madugong awayan ng mga angkan sa probinsya ng Sulu na nagsanhi ng pagkamatay ng hindi bababa sa 50 katao sa bawat panig, nagkasundo na rin ang magkabilang panig na magkaayos at magpatawaran nitong Lunes.
Sa pahayag nitong Martes ni Brig. Gen. Allan Nobleza, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, pumayag nang mag-ayos ang mga angkan nina Fhena Idjirani at Banden Barahama at lumagda pa ang kanilang mga kinatawan ng isang kasunduang tuldukan na ang madugong away ng kanilang mga angkan na nagsimula pa noong 1974.
Ang mga Idjirani ay kalat sa ilang mga barangay sa bayan ng Parang habang ang mga Barahama ay mga residente ng Indanan, pawang sa lalawigan ng Sulu.
Ayon kay Nobleza, pumayag ang dalawang angkan na kalimutan na ang kanilang madugong labanan, na nag-ugat sa mga away sa lupa, pulitika at kontrol ng mga teritoryo, sa pakiusap na rin ng mga emisaryo ni Sulu Gov. Hadji Sakur Tan, mga mayors ng Parang at Indanan, mga kasapi ng mga police stations sa naturang dalawang mga bayan at mga opisyal ng Sulu Provincial Police Office.
Ayon sa mga opisyal ng Sulu provincial police, malaki din ang naitulong ng Islamic religious community sa probinsya sa pag-areglo ng 50-taon na rido ng mga Idjirani at mga Barahama, kung saan nagkaroon sila ng mga labanan gamit ang mga assault rifles na nagsanhi ng pagkamatay ng marami sa bawat panig, ilan sa kanila mga menor-de-edad at mga babae.
- Latest