MANILA, Philippines — Tatlo ang kumpirmadong nasawi habang 14 iba pa ang sugatan na pawang mga magkakamag-anak makaraang aksidenteng pumutok ang gulong ng sinasakyang van sa kahabaan ng Tarlac-Pangasinan–La Union Expressway (TPLEX), sa bahagi ng Pangasinan nitong Sabado.
Sa inisyal na ulat, bandang alas-9 ng umaga nang mangyari ang malagim na sakuna habang bumabagtas ang kulay puting van sa bahagi ng TPLEX sa Tomana West, Rosales ng nasabing lalawigan.
Kasalukuyang bumabagtas ang van sa nasabing lugar nang aksidenteng pumutok ang gulong nito bunsod upang sumadsad ito sa road barrier o konkretong barandilya sa bahagi ng expressway.
Sa lakas ng pagkakabangga, limang beses na nagpaikut-ikot ang van na ikinamatay ng isang 76-anyos na lola at dalawang lalaki na tinatayang nagkakaedad ng 30 at 32.
Agad namang isinugod sa Urdaneta City Hospital ang 14 na nasugatan kabilang ang driver ng van upang malapatan ng lunas.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Rosales Municipal Police Station (MPS), overloaded ang van nang mangyari ang insidente na dapat ay 14 lang ang kapasidad ng behikulo.
Lumalabas na 17 katao ang sakay ng van na patungo sana sa bayan ng Manaoag, Pangasinan para magsimba nang maganap ang aksidente.