Trike sinalpok ng SUV ng pulis: 4 dedo

Sa pahayag nitong Biyernes ni Lt. Col. Richelu Alucilja, hepe ng Isulan municipal police, nadeklarang dead-on-arrival ang apat na biktima na kinilalang sina Gilbert Lanterna, Arante Matignao, Roselyn Vallero at Joseph Cardiente, ng mga manggagamot sa Sultan Kudarat Provincial Hospital kung saan sila isinugod ng mga pulis upang malapatan sana ng lunas.
STAR/ File

COTABATO CITY, Philippines — Patay ang apat na sakay ng tricycle na nasapol mula sa likuran ng isang Toyota Fortuner na minamaneho ng isang pulis sa isang bahagi ng highway sa Barangay Kalawag 2 sa Isulan, Sultan Kudarat nitong gabi ng Miyerkules.

Sa pahayag nitong Biyernes ni Lt. Col. Richelu Alucilja, hepe ng Isulan municipal police, nadeklarang dead-on-arrival ang apat na biktima na kinilalang sina Gilbert Lanterna, Arante Matignao, Roselyn Vallero at Joseph Cardiente, ng mga manggagamot sa Sultan Kudarat Provincial Hospital kung saan sila isinugod ng mga pulis upang malapatan sana ng lunas.

Ang apat ay sakay ng isang tricycle na nabundol ng sports utility vehicle (SUV) ng isang pulis na si Master Sgt. Jay Relox, na nakabuntot sa kanila.

Agad namang isinuko ni Relox, na nakadestino sa Sultan Kudarat Provincial Police Office, ang kanyang lisensya at sasakyan sa Isulan Municipal Police Station matapos ang malagim na aksidente.

Nagtamo ng malubhang mga sugat at pasa sa katawan ang driver ng tricycle na si Kennedy Santacera, at isa pang pasahero nitong si Lendo Bataoan sanhi ng aksidente na parehong ginagamot pa sa isang hospital.

Show comments