Bangkay dinaganan ng nakaw na motor, nadiskubre

Ayon sa Facebook post ni Mayor Cholo Violago, ang biktima ay hinihinalang may tama ng bala habang nakadagan sa bangkay ang isang Honda Click na kulay pula.
STAR / File

SAN RAFAEL, Bulacan, Philippines — Isang bangkay ng hindi nakikilalang lalaki ang natagpuan na may nakadagang motorsiklo sa isang madilim na kalsada sa Brgy. Talacsan ng nasabing bayan, kamakalawa ng gabi.

Ayon sa Facebook post ni Mayor Cholo Violago, ang biktima ay hinihinalang may tama ng bala habang nakadagan sa bangkay ang isang Honda Click na kulay pula.

Base naman sa unang post ng alkalde, dakong alas-3:00 ng hapon ay pinara ng riding-in tandem lulan ng itim na Aerox motorcycle ang dalawang indibiduwal lulan ng pulang Honda Click sa Viola highway sakop ng Brgy. Coral na Bato hanggang holdapin, agawin ang motor nila at paluin ang rider sa mukha ng baril.

Dahil dito, nanawagan siya sa pulisya, brgy. tanod, mga kababayan na maging mapagmasid at nagsabing maglalaan ng pabuyang P100,000 sa makakapagbigay ng impormasyon para sa ikahuhuli ng mga kawatan.

Show comments