COTABATO CITY, Philippines — Mahigit 100 na pamilya sa mga liblib na barangay sa Cabadbaran City sa Agusan del Norte ang tumanggap ng farm equipment mula sa International Committee of the Red Cross bilang ayuda upang maibalik sa normal ang kanilang pagsasaka na labis na naapektuhan ng kaguluhan nitong nakalipas na mga buwan.
Sa ulat nitong Lunes ni ICRC Press Relations Officer Rachel Malaguit, kabilang sa mga makikinabang sa kanilang pagbigay ng corn sheller at mill, o gilingan, sa mga residente ng naturang lungsod ay mga taga-Sitio Lusong sa Brgy. Puting Bato.
Ayon sa mga lokal na kinauukulan at mga opisyal ng Police Regional Office-13, labis na naapektuhan ang pagsasaka ng mga residente sa naturang barangay at ng iba pa sa mga karatig na pook ng mga engkwentro ng mga tropa ng pamahalaan at ng mga kasapi ng teroristang grupong New People’s Army nitong nakalipas na mga buwan.
Una nang sinanay ng mga taga-ICRC at mga kawani ng agriculture office ng Cabadbaran City government ang miyembro ng 107 na apektadong pamilya sa modernong paraan ng pagsasaka, binigyan pa ng rasyong pagkain at mga binhi ng mais at kalabasa na maaari nilang itanim sa kanilang mga sakahan.
Naniniwala ang banyagang si Ishfaq Muhammad Khan, isang mataas na ICRC official dito sa bansa, na malaki ang maitutulong ng farm machinery na kanilang ipinamahagi sa mga residente ng Cabadbaran City sa ikakaginhawa ng kanilang mga buhay.