Nakakulong na tserman nanalo sa eleksyon, pinalaya
MANILA, Philippines — Laya na ang isang bagong halal na barangay chairman sa katatapos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakulong sa Cotabato City matapos na ibasura ng korte dahil sa kakulangan ng ebidensya ang kasong murder na isinampa laban sa kanya.
Ayon kay Akmad Urak, kapitan ng barangay Tamontaka 1, Cotabato City, wala siyang kinalaman sa kaso kaya kampante siya na mababasura ang naturang kaso.
Aniya, sa simula pa lang ay alam na niyang madi-dismiss ang kaso kasama ang pitong iba pa. Ipinagharap sila ng 2 counts of murder, 3 counts ng frustrated murder, at 2 counts of attempted murder subalit nabasura dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.
Alam din umano ni Urak na ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya ay may kinalaman sa pulitika subalit sa kabila ng nakakulong ay ipinagpatuloy nito ang kanyang kandidatura at tinalo niya ang kanyang dalawang naging kalaban sa kakatapos na BSKE 2023.
Giit ng abogado ni Urak na si Atty. Asgar Mandal, kahit noong una pa lang lumabas ang warrant of arrest laban sa kanya at pito pang akusado nitong Agosto ay agad na silang boluntaryong sumuko at hindi na sila pinalabas pa ng kulungan.
- Latest