Mananakay sa Kabikulan, naging matumal

Ginamit na ng pulisya ang kanilang patrol vehicle para sa libreng sakay sa ilang pasahero matapos na hindi bumiyahe ang mga PUVs nang magsuspinde ng klase at trabaho sa Kabikulan dulot ng nationwide na tigil-pasada ng PISTON, kahapon.
PRO5

Sa tigil-pasada ng transport group

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Kung sa Metro Manila ay sinasabing naparalisa ang mga PUVs sa unang araw ng tigil-pasada ng transport group na PISTON, kabaligtaran naman ang sitwasyon sa halos maraming lugar sa Kabikulan matapos na walang commuters o mananakay na makuha sa mga kalsada ng mga bumiyaheng pampasaherong jeepneys kahapon.

Naging matumal ang mga pasero ng mga jeepneys na bumiyahe na hindi nakiisa sa transport strike matapos na hindi na maglabasan pa sa kanilang tahanan ang mga estudyante at empleyado nang magsuspinde ng pasok sa klase at trabaho ang maraming local go­vernment units (LGUs), at bunsod na rin sa banta ng malakas na mga pag-ulan dahil sa shear line.

Sa Albay, nagpalabas si Gov. Edcel Greco “Grex” Lagman ng advisory na nagsususpinde ng pasok sa eskwela at magkaroon na lamang ng blended learning sa lahat ng level, sa pampublikong paaralan at inatasan ang mga employee na magpatupad naman muna ng “work from home”.

Sa Camarines Sur, nagsuspinde rin ng pasok sa klase sa lahat ng antas sa buong lalawigan si Gov. Vincenzo Renato Luigi Villafuerte na sinundan ng lahat ng mga bayan at lungsod.

Nagdesisyon naman sa Catanduanes si Gov. Joseph Cua na magsuspinde ng klase dahil sa shear line.

Ayon sa Bicol Intercity Transport Cooperative sa inilabas nilang posts sa kanilang Facebook page, hindi sila sumabay sa ikinasang nationwide transport strike dahil sa mas prayoridad nila ang tungkuling bigyan ng serbisyo ang publiko at mananakay.

Sinabi ni Javier Moran ng Daraga-Legazpi City Jeepney Drivers Association na hindi sila makikisali sa tigil-pasada dahil wala namang ma­linaw na koordinasyon sa kanila ang malalaking transport group sa Metro Manila.

Show comments