MANILA, Philippines — Sinibak sa kanyang puwesto ang chief of police ng bayan ng Rodriquez,lalawigan ng Rizal matapos na ang kanyang tatlong tauhan na nakatalaga sa warrant section ay naaresto sa robbery extortion at serious illegal detention sa negosyante sa isang entrapment operation,Barangay Rosario, Rodriquez, Rizal noong Miyerkules ng umaga.
“Si Lt. Col. Arnulfo Selencio, Rodriquez police chief, ay tinanggal sa kanyang puwesto at pinalitan ni Lt. Col. Vicente Gil Palma bilang Officer-in-charge” wika ni Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas, Calabarzon police director.
Ayon kay Lucas na ang pagsibak sa puwesto ni Selencio ay dahil sa command responsibility policy ng Philippine National Police habang patuloy ang imbestigasyon ng tatlo niyang pulis na sina Staff Master Sergeant Jose Reyes, Corporal Ramel Delorino at Staff Sergeant Glenn Libres na inalis na rin sa puwesto.
Ang tatlong pulis ay nahaharap sa kasong robbery extortion, illegal detention at trespass to dwelling na iniimbestigahan na rin sa pre-charge evaluation division dahil sa grave disconduct habang ang kasong criminal ay isasampa ng IMEG.
Ang tatlong pulis ay inaresto ng IMEG sa isang entrapment operation matapos puntahan ang bahay ng isang negosyanteng babae at sinerve ang warrant of arrest sa kasong estafa.
Subalit,wala doon ang pakay ng tatlong pulis kaya’t puwersahan nilang kinuha ang asawa nitong si alyas Ben at isinakay sa patrol car.
Ayon kay Ben na siya ay sinaktan at tinakot ng mga pulis na kakasuhan ng illegal drugs at hiningan ng P100,000 para hindi na isilbi ang warrant of arrest.
Pumayag ang mga biktima na ibibigay ang nasabing halaga na hindi alam ng mga suspek na nagsumbong na ito sa IMEG operatives na kung saan isinagawa ang entrapment operation.