Magkapatid hinostage, ginilitan; suspek utas sa pulis

MANILA, Philippines — Patay ang 1-taong gulang na batang lalaki ha­bang malubhang na­sugatan ang kapatid nitong babae matapos silang i-hostage at gilitan ng isang lalaki na pumasok sa kanilang tahanan nitong Sabado ng gabi sa Zaragosa, Nueva Ecija.

Idineklarang  dead-on-arrival sa Nueva Ecija Doctors Hospital sa Cabanatuan City ang 1-anyos na si alyas Toto habang ginagamot ang nakatatandang kapatid na itinago sa pangalang Nene, 7, kapwa residente ng Bgy. West Concepcion ng  nabanggit na lalawigan.

Ayon sa pulisya, napatay rin ang suspek na taga-Barangay Abaquid, Danglas, Abra.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na nangyari ang hostage taking incident dakong alas-7:30 ng gabi nang biglang pumasok ang suspek sa bahay ng mga biktima habang wala ang mga magulang nito. Dito ay hinostage ng suspek ang dalawang bata at tinutukan ng kutsilyo.

Rumesponde naman ang awtoridad sa lugar at matapos ang mahi­git limang oras na ne­gosasyon ay sumigaw ang suspek sa mga pulis at sinabing nasaksak niya sa leeg ang 1-anyos na bata.

Dahil dito, nagpasya na ang mga awtoridad na pasukin ang bahay na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.

Humihingi naman ng tulong sa mga kinauukulan ang ama ng mga biktima na si Rolando Sunga para sa kanilang pangangailangan at sa pagpapalibing sa anak.

Show comments