Bokal inutas, suspek tumba sa shootout!

Agad nasawi sa mga tama ng bala si Basid Karim na nakabarilan ng grupo ng napatay niyang si Basilan Provincial Board Member Nasser Asarul kahapon ng hapon sa Sumisip, Basilan.
John Unson

COTABATO CITY, Philippines —Bulagta ang isang provincial board member o “Bokal” matapos barilin ng kanyang kaaway na napatay rin ng mga sumaklolong kasamahan ng nasabing opisyal sa naganap na karahasan sa Barangay Buli-Buli, Sumisip, Basilan kahapon ng hapon.

Sa inisyal na ulat ng Sumisip Municipal Police Station kay Brig. Gen. Allan Nobleza, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, parehong patay sanhi ng mga tama ng bala ang dalawang sangkot sa insidente na sina Nasser Asarul na kasapi ng Basilan Sangguniang Panlalawigan at ang nakabarilang si Basid Karim.

Ayon sa Sumisip Police, nasa loob ng isang carenderia si Asarul at ilang mga kasama nang dumating ang galit na si Karim at sila ay pinagmumura.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Asarul at Karim na bumunot ng .45 caliber pistol at biglang pinaputukan ang nasabing SP member ng ilang beses.

Nagtangkang tumakbo palayo si Karim ngunit nahabol at nabaril naman ng mga kasama ni Asarul makaraang manlaban.

Agad na nasawi si Karim sa shootout habang si Asarul ay mabilis na itinakbo ng mga kawani ng Sumisip Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa Lamitan City District Hospital pero idineklarang dead-on-arrival.

Show comments