Pulis, 1 pa utas sa barilan sa restobar

Nakilala ang mga nasawi na sina Pat. Jackson Acosta, 25, nakatalaga sa Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company, at residente ng Brgy. Rizal, Delfin Albano, Isabela, at sibilyang si Donnie Cullado.

MANILA, Philippines — Patay ang isang bagitong pulis at isang sibilyan habang sugatan ang dalawa pa kabilang ang isa ring pulis matapos ang naganap na barilan sa loob ng isang restobar, kamakalawa ng gabi sa Tumauini, Isabela.

Nakilala ang mga nasawi na sina Pat. Jackson Acosta, 25, nakatalaga sa Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company, at residente ng Brgy. Rizal, Delfin Albano, Isabela, at sibilyang si Donnie Cullado.

Sugatan naman ang kabarilang kapwa pulis na si PCpl. Neil Baquiran, 33, naka-deploy sa Santiago City Police Station, at residente ng Brgy. Lanna, Tumauini, Isabela, at ang nadamay na waiter na si Anacleto Arugay, 23, ng Canzan, Cabagan, Isabela.

Sa ulat, dakong ala-1 ng madaling araw nitong Lunes habang nag-iinuman sa loob ng restobar sa Brgy. Rizal, Tumauini ang grupo ni Baquiran nang lumapit ito sa mesa ng kapwa pulis na si Acosta kasama ang isa pang lalaki. Nang magkagirian, dito ay bigla umanong binunot ni Acosta ang kanyang service firearm subalit mabilis na naagaw ng kabarong si Baquiran at nagpambuno ang dalawa.

Muling nakuha ni Acosta ang baril at walang habas na pina­pu­tu­kan si Baquiran at kasama nito. Nagawa namang gumanti ng putok ni Baquiran na iki­na­sawi nina Acosta at Cullado.

Inaresto ng mga rumespondeng pulis ng Tuma­uini si Baquiran at kinumpiska ang Glock 9mm na issued service firearm nito gayundin ang Taurus 9mm na issued firearm ni Acosta para sa ballistic examination.

Kasunod nito, sa isinagawang proseso ng Isabela Provincial Forensic Unit ay natuklasan sa crime scene ang 13 FCC ng cal. 9mm, at iba pang bala ng cal. 9mm na baril.

Show comments