MANILA, Philippines — Kinilala ni IMEG Director Police Brig. General Warren de Leon ang mga dinakip na sina Pat. Adrian France Balderas at Cpl. Jayvee Rommel A Vicencio.
Sa ulat ni De Leon kay PNP chief General Benjamin Acorda Jr., si Balderas ay sumasailalim sa pagsasanay sa Police Regional Office 2, sa Camp Marcelo A Adduru, Dadda, Tuguegarao City, Cagayan Valley, nang arestuhin noong Oktubre 5.
Ang pag-aresto kay Balderas ay base sa bisa ng warrant of arrest sa paglabag sa Sec 5 (1) ng RA 9262 o Anti-Violence against Women and their Children Act matapos ireklamo ng kanyang dating nobya ng pananakit at pang-aabuso.
Ang pagkakadakip naman kay Vicencio na AWOL o (Absent Without Official Leave) ay base rin sa arrest warrant na inilabas ng korte nitong Oktubre 9 sa San Isidro, Montalban, Rizal sa kasong pagpatay kay Patrolman Jefferson Valencia noong Hulyo 4, 2022 sa Caloocan City, at paglabag sa RA 10591 o Illegal Possession of Firearms kaugnay ng Comelec gun ban.
Nakuha kay Vicencio ang isang caliber .45 pistol na expired ang registration at nakapangalan sa ibang tao.