COTABATO CITY, Philippines — Nanumpa ng katapatan sa pamahalaan ang 11 pa na kasapi ng Dawlah Islamiya nitong Biyernes matapos silang magsisuko at nangakong hihikayatin ang kanilang naiwang dating mga kasama na magbalik-loob na rin sa pamahalaan at magbagong buhay.
Tatlo sa grupong sumuko na kinilalang sina Hatib Mansur, Salik Minandang at Ibra Maniri, ay mataas ang mga katungkulan sa teroristang grupong Dawlah Islamiya na sangkot sa mga pambobomba ng mga establisimyento at mga sasakyang pampubliko na ayaw magbayad ng buwanang “protection money,” o tumangging magbigay ng rasyong pagkain ang mga may-ari.
Ayon kay Major Gen. Alex Rillera, commander ng 6th Infantry Division, sumuko ang 11 na terorista sa pakiusap na rin ng mga opisyal ng 1st Mechanized Infantry Brigade, 5th Special Forces Battalion, at ng mga local executives ng Sultan Kudarat at South Cotabato.
Unang isinuko ng grupo ang kanilang mga assault rifles, mga granada at mga gamit sa paggawa ng improvised explosive devices bago nangakong magbabagong buhay na sa isang seremonyang ginanap sa Army Camp Leono sa Barangay Kalandagan sa Tacurong City.
Ayon kay Rillera, ang okasyon ay dinaluhan nina Brig. Gen. Andre Santos ng 1st Mechanized Infantry Brigade, Lt. Col. Carlyleo Nagac ng 5th SF Battalion at South Cotabato Provincial Officer Sonia Bautista na kabilang sa mga nagpaabot ng inisyal na relief support para sa mga nagsisukong 11 na terorista.