LAGUNA, Philippines — Isang drug suspect na kalalaya lang mula sa piitan ang patay habang dalawa sa tatlong kasamang babae ang malubhang nasugatan matapos pagbabarilin habang nasa loob ng kotse sa tapat ng isang convenience store sa may national highway ng Barangay Pansol, Calamba City nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ni Major Jameson Aguilar, Deputy Chief of Police at chief investigator ang biktima na si Jerome Timoteo na dead-on-the-spot sa driver’s seat ng kanyang kotse.
Ginagamot naman ang mga kasamahan ni Timoteo na sina Ken Arvie Libardo, 33, at Dayline Dela Cruz, sa J.P. District Hospital dahil sa mga tama rin ng bala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.
Ang kasamahan pa ng tatlo na nakilalang si Johnsen Cruz, 23, ay nakaligtas naman sa insidente matapos na masuwerteng ‘di tinamaan ng bala.
Sinabi ni Aguilar na narekober sa crime scene ang 44 basyo ng bala mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril at 6 na deformed bullets.
Nabatid na si Timoteo ay may dating rekord, matapos maaresto ng anti-drug operatives at Manila Police sa Tutuban, Tondo, Manila noong Marso 2019 at nakalabas mula sa Bureau of Jail and Penology Management sa Bicutan nito lang Setyembre 10.
Ayon kay Lt. Col. Milany Martirez, hepe ng Calamba Police, sakay ang mga biktima ng itim na black Hyundai (PQY-665) habang naka-park sa tapat ng 7/11 convenience store para bumili ng pagkain nang biglang dumating ang apat na suspek lulan ng kulay gray silver Suzuki bandang alas-11:48 ng gabi.
Dalawa sa mga suspek na armado ng baril ang agad lumapit sa sasakyan ng mga biktima saka sila pinaulanan ng bala.
Sinabi ni Martirez na tinitingan na nila ang “drug-related” na motibo sa pamamaril at pagpatay.
Napag-alaman pa ng pulisya na nanatili ang mga biktima ng tatlong araw sa isang resort sa Pansol bago ang nasabing pamamaril.