COTABATO CITY, Philippines — Isang babaeng drug den operator na matagal nang minamanmanan ng mga lokal na kinauukulan at lima niyang mga kasabwat ang na-entrap dito nitong Huwebes.
Sa pahayag nitong Byernes ni Christian Frivaldo, director ng Philippine Drug Enforcement Agency, nasa kustodiya na nila ang drug den operator na nakilalang si Jennifer Pradi Maturan-Ali at ang mga tauhan niyang sina Abduladzis Dandang Ali, Pagpag Nasser Matalam Lumabao, Sahid Maulana Linkuan, Esrafil Lumabao Dading at si Akmad Tangayan Giok.
Si Maturan-Ali at ang limang kasama ay na-entrap mismo sa kanilang drug den sa Purok Waling-Waling sa Barangay Mother Bagua sa Cotabato City ng mga magkasanib na mga kasapi ng PDEA-BARMM at Cotabato City Police Office.
Nagkakahalaga ng P40,800 ang shabu na nasamsam sa mga suspek dahil naitakas ang kanilang epektos ng isang kasabwat na si Mentiok Ali, ngunit sapat na ang naturang ebidensya upang masampahan sila ng kaukulang kaso, ayon kay Frivaldo.
Dagdag ni Frivaldo, malaki ang naitulong ng mga kapitbahay ni Maturan-Ali, na “drug queen” ang tawag sa kanya, sa pagplano ng entrapment operation na nagresulta sa pagkakaresto sa kanya at limang mga kasama at pagkakabuwag ng kanilang drug den.