Higit P13 milyong droga nasabat, 3 bigtime ‘tulak’ arestado
MANILA, Philippines — Umaabot sa mahigit P13 milyong halaga ng illegal drugs ang nasabat ng mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong “tulak’” sa isinagawang buy-bust operation kamakalawa ng gabi sa Surigao City.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek na sina Jamil Mawi, 48, alyas “Diala”; Naif Abdul, 37, alyas “Janalan” at Aminodin Ampaso, 32, alyas “Din” .
Bago ang operation, nakatanggap ng report ang pulisya hinggil sa magiging transaksiyon ng mga suspek sa Philippine Ports Authority compound.
Agad na pumosisyon ang mga Police Regional Office (PRO) 13, Philippine Drug Enforcement Unit 13 at Philippine Coast Guard at isinagawa ang anti illegal drugs operation sa Brgy. Lipata, Surigao City, Surigao del Norte dakong alas-8 ng gabi.
Nakuha ng mga operatiba mula sa mga suspek ang isang zip locked plastic pack na naglalaman ng shabu, pera smart cellphones, electronic weighing scale at isang grey Wildtrak Ford Ranger pic up na may plakang KAA 9370.
Pinuri naman ni PRO13 regional director PBrig. Gen. Kirby John Kraft ang tagumpay na drug operations ng mga pulis. Aniya, indikasyon ito na hindi tumitigil ang pulisya laban sa ipinagbabawal na gamot.
- Latest