BARMM at NLRC nagkaisa sa pagresolba ng labor cases
COTABATO CITY, Philippines — Nagkasundo ang National Labor Relations Commission (NLRC) at ang Bangsamoro Labor Ministry na magtulungan sa pagtugon sa mga labor cases sa autonomous region na nabalam dahil sa mga devolution concerns.
Nabatid na hindi sakop ng kapangyarihan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang mga functions ng NLRC.
Dahil dito, naging problemado at mabagal ang litigasyon ng mga labor cases sa mga lungsod at probinsyang sakop ng BARMM mula nang maitatag ang rehiyon nitong 2019.
Ibinalita nitong Biyernes, ni BARMM Labor Minister Muslimin Sema na nagkasundo na sila at mga opisyal ng NLRC, sa isang pagpupulong sa Manila noong Hulyo 28, na ang Ministry of Labor and Employment na ang siyang direktang mag-eendorso ng mga labor disputes na kailangang litisin ng commission.
Mismong si NLRC chairperson Cecily Conching ang siyang nagbigay kay Minister Sema at mga directors ng mga tanggapan na kanyang pinamumunuan ng katiyakan sa agarang aksyon ng komisyon sa mga labor cases mula sa region na ipapasa sa kanila ng MOLE-BARMM.
Ang mga manggagawa at mga employers sa BARMM na may mga labor disputes ay kinakailangan pang magtungo sa mga tanggapan ng NLRC sa malalayong lungsod sa labas ng autonomous region upang maresolusyunan ang kanilang mga hindi pagkakaunawaan.
- Latest