MANILA, Philippines — Namatay noon din ang 51-anyos propesor nang pagtulungang saksakin ng tatlong suspek sa Binalbagan, Negros Occidental, kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Tony Lazaga, na nagtamo ng 16 na saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na dahilan ng kanyang agarang kamatayan.
Isa naman sa tatlong persons of interest ang nasa kustodiya ng Binalbagan Police Station na nakilalang si Johnrey Castino,19,habang pinaghahanap pa ang dalawang kasama nito.
Batay sa report, alas-2:30 ng madaling araw ng Miyerkules nang matagpuan si Lazaga na naliligo sa kanyang sariling dugo at wala nang buhay sa tapat ng kanyang boarding house sa Locsin St. Brgy. San Pedro, Binalbagan.
Nakita sa CCTV na dumaan si Lazaga sa harap ng Binalbagan College Community campus at sinusundan ng tatlong kalalakihan.
Tanging ang cellphone lamang ng biktima ang kinuha ng mga suspek.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon at follow up operations ng mga pulis laban sa ibang suspek.
Nagsagawa naman ng prayer vigil sa nasabing unibersidad ang mga estudyante, faculty members at pamilya ng biktima.