COTABATO CITY, Philippines — Sumuko sa militar ang dalawa sa mahigit 10 na mga nag-ambush noong Sabado sa mga tropa ng 64th Infantry Battalion sa Brgy. Ulitan sa Ungkaya Pukan, Basilan na ikinasawi ng isang sundalo,isang pulis at pagkakasugat ng pitong iba pa.
Inanunsyo kahapon ni Army Brig. Gen. Alvin Luzon, commander ng 101st Infantry Brigade ang pagsuko nina Adzmin Manjapal at Mudzni Sapau, na positibong kinilala ng mga saksi sa pananambang.
Ayon kay Luzon, ang pagsuko ni Manjapal at Sapau sa 101st Brigade nito lang Martes, Agosto 15, 2023, ay bunga ng magkatuwang na inisyatibo ng kanilang mga unit, ng mga leader ng Moro Islamic Liberation Front sa probinsya at ng mga kasapi ng Basilan Provincial Peace and Order Council na pinamumunuan ni Gov. Jim Salliman.
Umamin ang dalawa sa kanilang pagkakasangkot sa pananambang sa mga tropa ng 64th IB sa Brgy. Ulitan nitong August 12 na nagresulta sa pagkamatay nina Army Pvt. Marjohn Tenido at Police Corporal Abdurafic Akalun at pagkasugat ng walong kasapi ng 64th IB.