CANDELARIA, Quezon, Philippines — Aabot sa mahigit sa P10 milyong halaga ng shabu ang nadiskubre sa loob ng isang kilalang food chain restaurant sa Brgy. Poblacion sa bayang ito kamakalawa ng umaga.
Ayon kay Quezon Police Provincial Office (QPPO) director PCol. Ledon Monte, dakong alas-9 ng umaga nang madiskubre ang isang malaking plastic bag sa isang basurahan sa loob ng comfort room ng inasal restaurant sa Candelaria.
Nabatid na isang service crew ng nasabing chain restaurant na nakilalang si Jerico Esguerra, 18 anyos, ang nakakita ng nasabing plastic bag na naglalaman ng puting kemikal sa trash bin.
Agad na ipinagbigay alam ni Esguerra sa mga nagpapatrolyang pulis ang kanyang natagpuan at dinala ito sa himpilan ng Candelaria Police.
Natuklasan ng pulisya na hinihinalang shabu ang puting kemikal sa loob ng plastic bag na nasa 511.5 gramo at may DDB value na P3,478,200 at street value na P10,434,600.