MANILA, Philippines — Inihayag ng Naga City Police Office (NCPO) na may apat na persons of interest kaugnay ng rape-slay ng isang 17-anyos na dalagita sa lungsod ng Naga.
Tumanggi pa ang NCPO na pangalanan ang apat dahil sa ginagawang follow-up operations.
Ayon kay PLt. Col. Dario Sola, Deputy City Director for Operations ng Naga City Police Office, sumailalim sa autopsy ang bangkay ng biktima at lumalabas na sinakal ito na posibleng dahilan ng kanyang pagkamatay.
Nasa state of decomposition na ang katawan ng biktimang senior high school student nang matagpuan sa isang bakanteng lote, isang linggo matapos maiulat ang pagkawala nito.
Pinaniniwalaang ginahasa ang biktima dahil sa wala siyang saplot pang-ibaba nang madiskubre habang ang underwear nito ay narekober sa crime scene.
Naglaan naman ng pabuyang P100,000 si Naga City Mayor Nelson Legacion sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng mga suspek upang maresolba ang karumal-dumal na krimen.