Sa harap ng mga kainuman
PILI, Camarines Sur – Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng 27-anyos na babae matapos pagsasaksakin sa harap ng kanyang mga kainuman ng mismong live-in partner nito sa Sitio Lourdes, Brgy. Sagrada sa bayan ng Pili, Camarines Sur kamakalawa ng gabi.
Sinubukan pang isugod sa pagamutan pero hindi na umabot nang buhay ang biktima na kinilalang si Catherine Pacheco Campa habang sumuko sa awtoridad ang live-in partner nitong si Daniel Ortega, 30-anyos; kapwa residente ng naturang lugar.
Sa ulat, pasado alas-8 ng gabi, nakikipag-inuman umano si Campa sa kanyang mga katrabaho sa isang tindahan malapit sa kanilang bahay nang dumating ang kanyang kinakasamang suspek at nagkaroon sila roon ng mainitang pagtatalo.
Sa galit ng lalaki, bumunot siya ng patalim at inundayan ng sunud-sunod na saksak ang kinakasama na duguang humandusay sa harap ng mga nabiglang kainuman ng huli.
Selos ang nakikitang motibo sa pamamaslang maliban sa dati nang nag-aaway umano ang magka-live in.
Matapos ang pananaksak sa babae, sumuko ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong murder.