Magsasaka patay, chairman sugatan sa kidlat

TAYABAS CITY, Philippines — Patay ang isang magsasaka habang malubhang nasugatan ang barangay captain makaraang tamaan ng kidlat ang bahay na kanilang pinagpapahingahan sa Barangay Ilayang Nangka sa lungsod na ito, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Romeo Sayam, 30, binata habang patuloy na nilalapatan ng lunas sa Tayabas Community Hospital si Rowell Cabuyao Dela Torre, 37, kasalukuyang kapitan ng nasabing barangay.

Ayon kay PMsg. Wendell Pormasdoro, officer on case, alas-3:00 ng hapon ay namama­hinga ang kapitan at ang magsasaka sa loob ng rest house na pag-aari ng una na nasa gitna ng palayan nang kumulog ng malakas at sinundan ng matatalim na kidlat.

Tumama ang kidlat sa bahay at ang malakas na boltahe ay kumalat at nasapol ang dalawa.

Naisugod pa sa ospital si Sayam, subalit namatay din dahil sa pagkasunog ng ilang parte ng katawan at electric shock.

Show comments