3 holdaper ng convenience store nasukol

MANILA, Philippines — Sa loob ng isang motel sa Laguna na­aresto ng mga otoridad ang magdyowa at isang kasama na nangholdap sa isang convenience store sa Brgy. San Gabriel, Gen.Mariano Alvarez (GMA) Cavite, kamakalawa ng madaling araw.

Nabatid na nasa ka­sarapan pa ng tulog sa isang motel sa Sta. Rosa, Laguna nang arestuhin ang mga suspek na sina Jaime Christ Camerino, 20, residente ng Brgy. Anabu 2D, Imus at Maricel M. Bautista, 33, tubong Virac, Catanduanes.

Habang sa isang follow-up ay naaresto ang isa pang kasamahan ng mga ito sa Brgy. Habay Bacoor City na nakila­lang si Glenn Urbano, 25, residente ng Perpetual Village 8, Shapell Homes Apartment, Brgy. Habay 1, Bacoor City Cavite.

Sa imbestigasyon, alas-3:00 ng madaling araw nang pasukin ng mga suspek ang Alfamart sa Brgy. San Gabriel, Gen. Mariano Alvarez.

Unang pumasok si Bautista na nagpanggap na customer at agad na sumunod si Camerino at Urbano at nagdeklara ng holdap.

Nilimas ng mga suspek ang pera sa kaha at iba pang mga mapapakinabangan sa nasabing tindahan at maging ang cellphones ng dalawang staff at tumakas sakay ng motor.

Sa follow-up ng pulis­ya at ng CCTV footage ay natunton ang magdyowa na nag-check in sa isang motel sa nasabing lugar.

Narekober sa magdyowang suspek ang 1 caliber 9mm pistol, 4 cellphones at cash na P54,680.00 at mga items.

Ayon pa sa pulisya, ang mga suspek din ang tumira at nanloob sa Alfamart Store sa may Brgy. Biga 2, Silang at Alfamart sa may Molino 2, Bacoor City, pareho sa Cavite nitong nakalipas na Hulyo 11 kung saan natangay ang nasa P92,000.

Show comments